Pamahalaan gumagawa ng paraan upang mabawasan ang bilang ng mga walang trabaho

Matapos lumabas ang resulta ng survey ng Social Weather Stations (SWS) na nagsasabing tumaas ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho sa 3rd quarter ng 2018, nagpahayag ang Palasyo na gumagawa ng mga hakbang ang pamahalaan upang tugunan ang problema.

Batay sa resulta ng SWS survey na ginawa noong September 15-23 ay nasa 9.8 milyong Pilipino ang walang trabaho.

Imahe mula sa Red Hat at Work

Sa isang pahayag, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na seryosong tinitingnan ng Palasyo ang resulta ng nasabing survey at sinabing patuloy na gumagawa ng mga hakbang ang pamahalaan upang mapabuti ang lagay ng local employment.

Ayon sa Inquirer, binanggit umano ni Panelo na ang isa sa mga ginawang hakbang ng pamahalaan upang maibsan ang joblessness rate sa bansa ay ang Republic Act 11032, o ang Ease of Doing Business Act of 2018 na kamakailan lang ay nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Imahe mula sa Radyo La Verdad

Ang mga probisyon sa nasabing batas ay makaaakit umano sa mga foreign companies upang mamuhunan sa bansa na magreresulta sa pagkakaroon ng trabaho para sa mga Pilipino.

Imahe mula sa TESDA

Makatutulong din umano ang Technical Education and Skills Development Authority o TESDA sa pagpapababa ng bilang ng walang trabaho sa pamamagitan ng pagbibigay ng skills training sa mga kabataan kabilang na ang mga out-of-school youth upang lumaki ang tsansa nila na magkaroon ng maayos na trabaho.