Pagtuturo ng Korean language sa public high school idinepensa ni DepEd Sec. Briones

Sari-saring batikos ang natanggap ng Department of Education (DepEd) nang i-anunsyo nito na ituturo sa sampung piling public school ang Korean language. Ito ay matapos ang desisyon ng Korte Suprema na alisin ang Filipino at Panitikan bilang core subjects sa kolehiyo.

Sa panayam ng News5 sa kanya, nilinaw ni Sec. Briones na ang Korean Language ay isang elective subject o opsyunal lang para sa Grade 7 hanggang Grade 12 high school students. Hindi umano ito required subject.

Imahe mula sa DepEd

“Unfair” at nakapagtataka raw na pinagdidiskitahan ng mga kritiko ang Korean language, ayon sa Kalihim. Aniya, matagal nang nagtuturo ang DepEd ng mga foreign languages na kinikilala ng United Nations.

Kabilang sa mga foreign languages bilang elective subjects na itinuturo ng DepEd simula pa noong 2009 ay ang French, Mandarin, Nihongo, German at Spanish.

Imahe mula sa Hangul Basic

Samantala, nilinaw naman ni DepEd Undersecretary Annalyn Sevilla na hindi lahat ng Grade 7 hanggang Grade 12 students ay puwedeng mag-aral ng Korean language.

Bukas lang umano ang pag-aaral sa naturang wika para sa mga estudyanteng nagpakita ng husay sa “English” batay sa resulta ng kanilang National Achievement Test na nagpapakita lang na may kakayahan silang matuto ng isa pang foreign language.