Pagpasok ng China Telecom sa bansa ‘di dapat ikabahala – Sen. Koko Pimentel

Matapos magpahayag ng pag-aalala ang ilang mambabatas sa napipintong pagpasok ng China Telecom sa bansa bilang bahagi ng consortium na idineklara bilang provisional 3rd telecommunications player, sinabi ni Senador Koko Pimentel na wala namang dapat ipag-alala hinggil doon.

Ang Mislatel consortium na kinabibilangan ng China Telecom, Mindanao Islamic Telephone Co. at Udenna Corporation na pagmamay-ari ni Dennis Uy ang nag-iisang grupo na naging kwalipikado sa katatapos lang na selection process para sa 3rd telco slot na isinagawa ng Department of Information and Communications Technology.

Imahe mula sa Facebook page ni Sen. Koko Pimentel

Ani Pimentel, maging ang ibang telco companies sa bansa ay may foreign partners.

“Di ba Globe is also Singtel? So, ganun lang din po ‘yun, eh. I think we need a foreign partner who is technically capable. Mahina ang science sa Pilipinas, wala tayong homegrown invention related to telecommunication so we have to partner with foreign company,” saad ng senador.

Ayon sa Newsbytes Philippines, bukod kay Pimentel, dalawang mambabatas mula sa mababang kapulungan ang nagsabi rin na hindi dapat maalarma ang publiko sa diumano’y “potential security risk” mula sa China Telecom.

Imahe mula sa Sunley

Tinawag ni Buhay partylist representative Lito Atienza na isang tamang hakbang ang pakikipagkalakalan at pagpapatibay ng relasyon sa China na isa umanong economic superpower.

Ayon naman kay Makati City Representative Luis Campos Jr., ang mga panganib o risk ay nasa lahat ng dako. Aniya, kaya mayroong mga “government regulators” ay upang makontrol at mapangasiwaan ang mga nasabing panganib.

Dagdag pa ni Campos, 40% ng PLDT at Globe ay pagmamay-ari ng foreign entities.