Pagbubukas ng barge terminal sa Cavite makatutulong sa pag-igi ng daloy-trapiko sa Maynila

Nitong Huwebes, ika-22 ng Nobyembre, ang pasinaya ng Department of Transportation (DOTr) sa kauna-unahang barge terminal sa bansa na nasa Tanza, Cavite.

Ang barge terminal na tinawag na Cavite Gateway Terminal (CGT) ay sinimulang itayo noong nakaraang taon sa ilalim ng “Build, Build, Build Program” ng pamahalaan, ayon sa ulat ng Philippine News Agency.

Imahe mula sa DOTr

Sa pamamagitan ng roll-on, roll-off (RoRo) operations, ang mga kargamento na dumadaong sa international pier sa Maynila ay ibibiyahe patungong CGT at sa iba pang pantalan sa Luzon. Inaasahan na kapag fully-operational na ang barge terminal ay maiibsan ang mabigat na trapiko sa Kamaynilaan.

Sa isang pahayag, sinabi ng DOTr  na dahil sa nasabing proyekto ay tiyak na mababawasan ang bilang ng mga cargo trucks na dadaan sa mga pangunahing kalsada sa Metro Manila.

Imahe mula sa DOTr

Tinatayang 140,000 biyahe ng mga truck ang diumano’y mababawas taon-taon sa pagbubukas ng CGT dahil hindi na sa kalsada idaraan ang mga kargamento kundi sa tubig na.

Ang International Container Terminal Services, Inc. ang mag-o-operate ng barge terminal.