P2 dagdag-presyo sa branded loaf bread ikinagulat ng consumer group

Inaprubahan umano ng Department of Trade and Industry (DTI) ang dalawang pisong dagdag sa presyo ng mga branded loaf bread na karaniwan nang makikita sa mga handaan lalo na ngayong darating na Kapaskuhan.

Imahe mula sa BWO

Ayon sa ulat ng ASEAN Breaking News, kinumpirma umano ni DTI Consumer Protection Advocacy Bureau director Dominic Tolentino ang hirit na dagdag-presyo sa mga branded loaf bread bunsod umano ng kasalukuyang foreign exchange rate at pagtaas ng presyo ng sangkap sa paggawa ng tinapay tulad ng  harina at asukal.

Binigyang-linaw naman ni Tolentino na hindi kabilang sa pagtaas ng presyo ang pangkaraniwang pandesal, Pinoy Tasty at Pinoy Pandesal.

Imahe kuha sa video ng GMA

Ang pagtaas ng presyo ng branded loaf bread ay ikinagulat ng grupong Laban Konsyumer. Ayon sa presidente nito na si Vic Dimagiba, hindi man lang sila inabisuhan ng DTI hinggil sa pababago ng presyo.

Nagulat na lamang daw siya nang mapansin na ang dating P62 loaf bread ay P64 na sa pamilihan.

“Bakit, nagtaas ba ang presyo ng harina? Nagtaas ba ang presyo ng trigo? Magkano? ‘Yan ang kanilang commitment, ipaliwanag nila ang price increases,” ani Dimagiba na nagsabi pang siniguro raw sa kanila ng wheat millers na walang magiging galaw sa presyo ng tinapay hanggang matapos ang 2018.

Itinanggi naman ni Tolentino ang paratang ni Dimagiba at sinabing noon pa man ay alam na ng mga consumer groups na magkakaroon ng kaunting pagtaas sa presyo ng branded loaf bread.