P2 dagdag-pasahe posibleng bawiin dahil sa serye ng rollback sa presyo ng langis

Ang dalawang pisong dagdag-pasahe na kailan lang naaprubahan ay sinisilip nang bawiin dahil sa sunud-sunod na pagbaba ng presyo ng mga produktong petrolyo gaya ng gasolina, diesel, kerosene at liquefied petroleum gas.

Ayon sa ulat ng ABS-CBN, isang board member ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang nagpanukala umano na talakayin ang posibleng pagbawi sa inaprubahang P2 na dagdag-pamasahe.

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Ang nasabing dagdag-pasahe ay inaprubahan noong nakaraang linggo kaya ang minimum fare ngayon sa mga jeepney ay P10 na.

Sa isang panayam, sinabi ni LTFRB board member Aileen Lizada na nais niyang makipagpulong sa mga kapwa board member upang pag-usapan ang posibleng pagbawi sa dagdag-pasahe.

Sabi ni Lizada,”While everything is going down, ano ba kami, dito pa rin ba kami maiiwan sa P10? We cannot close our eyes sa mga nangyayaring rollback, ano’ng gagawin natin ngayon?”

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Noong nakaraang linggo, nabanggit sa ulat ng Virtual Pinoy na ipinahayag din ni LTFRB Chairman Martin Delgra III ang posibilidad na muling ibalik sa P8 ang mimimum na pasahe sa mga jeep dahil sa bumababang presyo ng langis.

“Possibleng bumalik sa dating pamasahe. Depende sa galaw ng krudo. Ang galaw sa pagtataas ng pasahe, almost always ang pinagbabasehan ang galaw ng krudo. Ngayon, tinitignan din natin ang inflation, consumer price index. All those things are being considered,” wika ni Delgra.

Nitong ika-13 ng Nobyembre ay muling nagbaba ng presyo ang gasolina at diesel. Ito na ang ikalimang sunud-sunod na linggo na bumaba ang presyo ng mga produktong petrolyo.

Ang pagbaba ng presyo sa mga oil products ay bunsod umano ng sobrang supply ng langis sa pandaigdigang merkado.