Optional retirement age na 56 sa kawani ng gobyerno aprubado ng House panel

Imahe kuha sa video ng GMA

Aprubado na ng House Committee on Government Enterprises and Privitization ang panukalang batas na naglalayong ibaba sa 56 ang optional retirement age.

Ayon kay  ACT Teachers Party-List Representative Antonio Tinio, ang pangunahing may akda ng nasabing panukala, na maraming kawani ng gobyerno ang ibinigay ang 20-30 years ng kanilang buhay sa pagsisilbi sa bayan. Napapanahon na raw na dinggin ng pamahalaan ang kanilang panawagan na bigyan sila ng option na makapagretiro sa mas maagang edad nang sa gayon ay malasap naman nila ang retirement benefits nang mas matagal.

Batay sa panuntunan ng Government Service Insurance System o GSIS, sa kasalukuyan ang optional retirement age ay 60 at nananatili namang 65 ang mandatory retirement age.

Sa ulat ng ABS-CBN, sinabi umano ng pamunuan ng GSIS na kung sakaling maaprubahan at maisabatas ang panukala ay mababawasan ng hanggang 12 taon ang buhay ng pondo ng ahensya. At upang mapanatili ang kasalukyang fund life ng GSIS, kinakailangan daw na ma-improve ang contribution ng mga kawani, na sa ngayon ay mabigat na raw para sa kanila (kawani).

Imahe mula sa GSIS

Bukas naman ang Kamara sa anumang hakbang na kakailanganin upang maibsan ang magiging epekto ng optional retirement sa pondo ng GSIS.