Mga sumukong Abu Sayyaf binigyan ng skills training at libreng pabahay

Limampu’t dalawang dating miyembro ng Abu Sayyaf Group (ASG) na sumuko at nagbalik-loob sa pamahalaan ang sumailalim sa pagsasanay sa Technical Educational and Skills Development Authority (TESDA) sa Basilan.

Sa ulat ng Philippine News Agency, ang 52 ex-ASG members ay bahagi ng 272 rebel returnees mula sa Basilan, Sulu at Tawi-Tawi na pinagkakalooban ng livelihood skills training sa ilalim ng Program Against Violence and Extremism (PAVE).

Imahe mula sa Bureau of Public Information -ARMM

Ang PAVE, ayon kay Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) Cabinet Secretary John Louie Balagot, ay isang pagkukusa o inisyatibo ng rehiyon bilang bahagi ng kanilang “peace-building effort” upang labanan ang terorismo at makamit ang permanenteng kapayapaan.

Bago sumailalim sa vocational courses na kanilang napili, ang mga dating rebelde ay nanumpa ng katapatan sa isang mapayapang pamumuhay. Kabilang sa mga kursong napili nila ay ang bread and pastry making, carpentry, welding at dressmaking.

Imahe mula sa TESDA

Ayon pa rin kay Balagot, ang PAVE ay dinisenyo upang magbigay ng mga oportunidad sa mga rebeldeng sumuko at nagbalik-loob sa pamahalaan upang makapamuhay nang normal at maging kapakipakinabang na miyembro ng lipunan.

Bukod sa skills training, pagkakalooban ang mga ex-rebels ng food allowance at libreng pabahay sa ilalim ng   Bangsamoro Regional Inclusive Development with Growth and Equity Program ng ARMM.

Imahe mula sa ARMM

Ang PAVE ay hindi lamang para sa mga sumukong Abu Sayyaf kundi maging sa iba pang militanteng grupo sa ARMM.