Maymay Entrata cover girl ng Gulf News Tabloid

Hindi na talaga maaawat ang patuloy na pagganda ng career ni Maymay Entrata na unang nakilala sa bansa bilang big winner sa 13th season ng reality TV show na Pinoy Big Brother(PBB).

Matapos niyang rumampa sa isang fashion event sa Dubai ay ginawa naman siyang cover girl sa Gulf News Tabloid, ang no.1 source para sa entertainment, lifestyle at fashion sa United Arab Emirates.

Imahe mula sa Gulf News Tabloid

Ayon sa Gulf News, sinabi umano ni Maymay sa kanila na nasa kolehiyo pa lamang ay sumasali na siya sa modeling competition sa paaralan at doon raw nabuo ang pangarap niya na maging isang tunay na modelo balang-araw.

Nito lamang ika-21 ng Nobyembre, matatandaang rumampa si Maymay sa runway ng Arab Fashion Week sa Dubai Design District. Siya ang kauna-unahang Filipino na naimbitahan sa nasabing fashion event. Personal siyang inimbitahan ng Dubai-based Filipino fashion designer na si Furne One upang i-modelo ang kanyang Amato Couture 2019 collections.

Imahe mula sa Gulf News Tabloid

Ayon kay Maymay, matagal na raw niyang pinangarap ang maging isang modelo kaya naman ang laki ng pasasalamat niya sa lahat ng mga tao na nasa likod ng katuparan ng kanyang pangarap.

“Nakakaiyak isipin na dati pinapangarap ko lang ang nararamdaman kong ‘to. ‘Yung tipong pag iniisip mo siya kay hirap abutin pero minsan pala pag pinabayaan mo lang at marunong kang maghintay sa tamang panahon kung para sa ‘yo talaga ibibigay sa ‘yo. Shempre sa likod ng lahat ng natamo ko… sa lahat ng ito pinasasalamatan ko ang Panginoon… sa mga taong naging dahilan at tulay ng aking tagumpay,” ani Maymay sa isang post sa Instagram.

Sa post naman ni Furne One sa kanyang Instagram account, tinawag niya si Maymay na “future supermodel.”

Imahe mula sa Instagram account ni Furne One