Malikhaing bride nagsuot ng wedding gown na gawa sa papel upang makatipid




Naging sentro ng pansin ang isang bride sa isang Kasalang Bayan o mass wedding sa Quezon City dahil sa kakaibang wedding gown na suot niya.

Imahe mula sa Facebook account ni Maricel Capinig Abaño

Ayon sa Inquirer, gawa sa papel ang wedding gown ni Maricel Capinig Abaño noong ikasal siya sa kinakasamang si Ronald Lucena Mata sa isang mass wedding na ginanap sa   Fernwood Gardens sa Sanville, Quezon City noong nakaraang buwan.

Kuwento ni Maricel, maliit lang ang sahod ni Ronald bilang landscaper. Mayroon na umano silang tatlong maliliit na anak at nangungupahan lang sa isang maliit na kuwarto.

Imahe mula sa Facebook account ni Maricel Capinig Abaño

At dahil kapos sa pera, hindi nila kayang bumili o magrenta man lang ng isang wedding gown kaya naman naisipan niyang gumawa na lang nito gamit ang mga bond paper.

Aniya, hindi naman siya nahirapan sa paggawa ng paper wedding gown dahil tinulungan siya ng dalawa niyang ninang sa kasal at mahilig naman daw talaga siya sa arts.

“Mahilig rin ako sa arts kaya nagtulungan kami para mabuo ang gown ko at mairaos ang aking kasal kahit napakagipit namin sa buhay,” ani Maricel.

“Kahit papel po ang gown ko proud ako na isuot ito sa pinakamahalagang araw [ng buhay] ko dahil sa pinaghirapan at pinagtulungan po namin ito. At the same time, naging creative [ako] sa sarili ko,” dagdag pa ng malikhaing si Maricel.

Maging ang wedding bouquet ni Maricel ay mga rosas na gawa sa iba’t ibang kulay na papel.