Mahabang Christmas break sa mga estudyante sa public schools – DepEd

Imahe mula sa Facebook page ng DepEd

Mas magiging mahaba na ang Christmas vacation ng mga estudyante sa elementarya at high school matapos ianunsiyo ng Department of Education ang kautusan na gawing December 15 ang simula ng school break mula sa dating December 22.

Ayon sa ulat ng GMA, sinabi umano sa kautusan ng DepEd na nilagdaan ni Education Sec. Leonor Briones na binibigyang-halaga nila na makapaglaan ng quality time ang mga bata sa kanilang mga mahal sa buhay at ang Christmas season ay isa raw pagkakataon para sa mga estudyante na palakasin ang kanilang emotional bonds sa pamilya nila.

Ang klase ay muling magpapatuloy sa ika-2 ng Enero, isang araw matapos ang New Year’s Day. Ang huling araw naman ng klase ay hindi nabago at mananatiling sa ika-5 ng Abril 2019 magtatapos.

Imahe mula sa DepEd

Ang kautusan ay para lamang sa mga pampublikong paaralan. Dahil may sinusunod na sariling school calendar, bahala na umano ang mga private schools kung magpapatupad rin sila ng mas maagang Christmas break.

Ang desisyon na gawing mas maaga ang Christmas break ay bunga umano ng pagtalima ng DepEd sa kahilingan ng Senado, Ehekutibo, Kongreso at mga magulang.