Lupang kinatitirikan ng Bilibid pauupahan kapag nailipat ang mga piitan sa probinsya

Plano ng bagong talagang hepe ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Director General Nicanor Faeldon na sa loob ng tatlong taon ay mailipat ang National Bilibid Prison (NBP) sa Palawan at Mindoro na batay umano sa direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Imahe mulasa Facebook account ni Nicanor Faeldon

Ang mga bilanggo at pasilidad ng BuCor sa National Bilibid Prison sa Muntinlupa City ay ililipat sa Iwahig, Palawan at sa Sablayan, Mindoro kung saan kailangang magtayo ng mga bagong piitan. Ang relokasyon at konstruksiyon ng bagong pasilidad ay ipatutupad sa ilalim ng BuCor Modernization Act of 2013.

Imahe mula sa The Kahimyang Project

Ayon sa GMA, sinabi ni Faeldon na ang 375 ektaryang lupain na kinatitirikan ng NBP ay pauupahan sa mga private investors at ang kikitain sa upa ay gagamitin sa operasyon ng BuCor.

“Most of the problems here, ‘yung problema ng security and others ay the communities around it. ‘Yun ‘yung support system ang problema natin. So relocating it will solve a lot of problems,” ani Faeldon sa mga mamamahayag na sumaksi sa turn over ceremony sa BuCor noong Lunes, ika-26 ng Nobyembre.

Imahe kuha sa video ng ABS-CBN

Dagdag pa ni Faeldon, kukonsultahin nila ang mga eksperto kung paano ipatutupad ang relokasyon ng NBP. Wala pa umano silang konkretong plano kung paano iyon isasagawa, subalit tiniyak niya na matutupad ang paglilipat ng piitan dahil naging “liability” na umano ng bansa ang Bilibid.