Libo-libong turistang Tsino na binigyan ng working permit, kaagaw ng Pinoy sa trabaho

Imahe mula sa video ng ANC

Ikinabahala ng mga mambabatas ang pagdagsa ng mga Tsino na pumasok sa bansa bilang turista subalit sa bandang huli ay kumuha ng permit upang makapagtrabaho dito.

Kasunod ng isinagawang raid kontra illegal online gambling kamakailan lang sa Pasay City kung saan 93 Chinese workers ang inabutan ng mga awtoridad, nagsagawa ng imbestigasyon ang Senate committee on labor, employment and human resources hinggil sa presensya ng mga Tsinong manggagawa sa bansa.

Imahe kuha sa video ng CNN Philippines

Ani Sen. Joel Villanueva, ang chairman ng nabanggit na Senate committee, sa kabila umano ng kanilang panawagan sa mga concerned agencies, hindi pa rin umano natutugunan ng mga ito ang mga report na patuloy na dumarami ang mga Chinese workers sa bansa, partikular na sa Metro Manila.

Naniniwala umano si Sen. Villanueva na kailangang palakasin ang pagsasagawa ng mga batas at pagpapatupad na ipatigil ang illegal online gambling at paglaganap ng mga Chinese workers na garapalan na umanong ninanakawan ng trabaho ang mga Pilipino.

Sa nasabing Senate investigation, inamin umano ng Department of Labor and Employment (DOLE) na ang mga Chinese na pumasok sa Pilipinas gamit ang tourist visa ay nagproseso ng mga work documents upang makapagtrabaho sa bansa.

Ayon sa CNN Philippines, sinabi umano ng DOLE na mula 2015 hanggang 2017 ay nakapagbigay sila ng 115,652 Alien  Employment Permits (AEP) at mahigit 51,000 doon ay naibigay sa mga Tsino. Nasa 2,000 umano ang mga Tsino na nagtatrabaho sa konstruksyon.

Sa ilalim ng Labor code, ang AEP ay ibibigay lang sa mga foreign workers kung walang Pilipino na interesado sa trabahong papasukan ng mga banyaga.

Imahe mula sa DWIZ

Binalaan naman ni Senator Grace Poe ang DOLE at Bureau of Immigration hinggil sa pagbibigay ng extensions sa mga foreigners na pumasok sa bansa gamit ang tourist visa.

“Obviously niloloko lang tayo. Sabi nila turista sila ‘yun pala may balak naman pala sila ditong magtrabaho. Sa umpisa pa lang dapat tinitigil na natin ‘yon. Kung turista ka tapos humingi ka ng work permit para mag-extend, ‘wag na nating payagan ‘yon. At marami sa kanila wala talagang lehitimong work permit pagpasok dito,” wika ni Sen. Poe.