Japanese company naglunsad sa Pilipinas ng ready-to-eat “emergency rice”

Pormal na inilunsad sa Pilipinas ng isang Japanese company ang bago nilang ready-to-eat rice na tinawag nilang “Rice to Go.”

Sa ulat ng Japan Times, sinabi ng chairman ng Biotech Japan Corp. na si Kiyosada Egawa sa paglulunsad ng kanilang bagong produkto noong Martes, ika-27 ng Nobyembre, na perpektong sagot umano ang “Rice to Go” sa mga emergency situations tulad ng bagyo o anumang environmental catastrophes.

Imahe mula sa Biotech JP Corp.

Sabi ni Egawa, taon-taon ay may mga bagyong tumatama sa Pilipinas at palagi umanong ipinapakita sa media ang maraming tao na nahihirapang makabili ng pagkain matapos manalasa ng bagyo.  Kaya naman nais umano niyang ipakilala ang teknolohiya ng Japan na kayang panatiliin ang magandang kalidad ng kanin kahit sa matagal na panahon.

Imahe mula sa Biotech JP Corp.

Ang Rice to Go ay mabibili sa pamilihan sa susunod na taon pa. Ang bawat 200-grams pack nito ay nagkakahalaga ng P35. Ang kanin ay hindi raw masisira kahit tumagal iyon ng hanggang isang taon.

Ang nasabing kanin, na gawa mula sa mga bigas sa Pilipinas, ay bagay rin umano sa mga taong walang oras magluto, at sa mga mahihilig mag-hiking o camping dahil hindi na raw iyon kailangang initin pa.

Imahe mula sa Biotech JP Corp.

Kinikilala ng Department of Social Welfare and Development ang magandang teknolohiya ng Biotech Japan Corp. Ayon sa isang opisyal ng ahensya, ang mga ready-to-eat rice ng kumpanya ay malambot at hindi tuyo. Masarap din umano ang lasa ng mga iyon.

Bukod sa “Rice-to-Go,” may tatlong ready-to-eat rice products na sa mga lokal na pamilihan ang Biotech Japan Corp. – ang Insta Rice, Echigo Protein-Reduced Rice at Gohan Lite Calorie-Reduced Rice.

Imahe mula sa Biotech JP Corp.