Isang puno sa Thailand temple nagbibigay raw ng winning lottery numbers

Bahagi na ng pang-araw-araw na buhay ng mga mamamayan sa Thailand ang paniniwala sa mga pamahiin at sa buwenas o suwerte.

Sabi nga, kung tatanungin daw ang mga Thai kung bumibili sila ng lottery ticket, halos lahat ay sasagot ng “oo.” Sa katunayan ay mahihirapan ka raw na humanap ng tao roon na hindi tumataya sa loterya.

Ayon sa Phuket, hindi naman isang pambihirang bagay ang pagtaya sa loterya ng halos lahat ng Thai. Ang pambihira raw ay kung paano sila pumipili ng winning combination ng mga numero tulad na lang ng interpretasyon sa mga panaginip, pagkonsulta sa mga monghe, ispiritista at  sa pagdarasal sa mga pigurin ng mga diyosa at diyoses.

Imahe mula sa Thai Blogs

At ang tunay na kakaiba raw ay ang paniniwala ng maraming Thai na nagbibigay ng winning lottery numbers ang mga matatandang puno na ayon sa kanila ay pinananahanan ng mga espiritu. Makikilala ang mga ganoong puno na halos sambahin na ng mga tao sa pamamamagitan ng makukulay na tela na nakatali sa mga iyon.

Imahe mula sa Beyond The Mango Juice

Sa Kunnatri Ruttharam temple sa central Bangkok, isang malaking troso ng matandang puno na napalilibutan ng mga bulaklak at mga sari-saring alay ang dinarayo ng napakaraming tao dahil naniniwala sila na kapag hinimas ang balat niyon ay lilitaw ang mga numero na mananalo sa loterya.

Isa si Pakapon Chummano, 54 anyos, ang naniniwala sa suwerteng dala ng “banal” na puno. Aniya, dahil sa punong iyon ay nanalo siya sa lottery ng 70,000 baht o katumbas ng $2,122. Aniya, kapag nagigipit daw siya ay tinutulungan siya ng naturang puno.

Dahil sa mga ganoong paniniwala ay humahakot ng pera ang state-owned lottery business na ayon sa datos ay kumita na ng 40.8 billion baht o $1.24 billion ngayong 2018.