Filipino Language Sign Act isa nang batas matapos pirmahan ni Pangulong Duterte

Isa nang batas ang Republic Act No. 11106 o ang tinatawag na “The Filipino Sign Language Act” matapos itong mapirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte noong ika-30 ng Oktubre.

Ang kopya ng batas ay inilabas sa media nito lamang Lunes, ika-12 ng Nobyembre.

Ayon sa ulat ng Inquirer, idinedeklara ng nasabing batas na ang Filipino Sign Language ang magiging national language ng mga Pilipinong bingi at opisyal na medium of communication ng lahat ng ahensya ng pamahalaan sa pakikipagtransaksyon sa mga taong may dipirensya sa pandinig.

Imahe mula sa Pinoy Weekly

Layunin ng nasabing batas na alisin ang lahat ng uri ng diskriminasyon laban sa mga Pilipinong bingi. Ipinag-aatas nito na gamitin ang Filipino Sign Language sa mga paaralan, broadcast media at lugar ng trabaho.

Inaatasan din ng batas ang Unibersidad ng Pilipinas at Komisyon ng Wikang Pilipino, sa pakikipag-ugnayan sa Commission on Higher Education, Department of Education at Early Childhood Care Development Council, na bumuo ng guidelines at mga training materials na gagamitin para sa edukasyon ng mga may kapansanan sa pandinig.

Imahe mula sa UNTV

Ang mga korte ay inoobliga ng batas na magtalaga ng mga sign language interpreters, samantalang ang mga news at public affairs program ay oobligahin din na magkaroon ng inset sign language interpreters.

Samantala, nanawagan naman si Senator Nancy Binay sa Komisyon ng Wikang Filipino na madaliin ang pagpapalabas ng Implementing Rules and Regulations ng bagong batas upang agad na itong mapakinabangan ng mga Filipino deaf.

“Nananawagan po ako sa Komisyon ng Wikang Filipino at iba pang concerned agencies na madaliin ang paglalabas ng IRR upang maagang mapakinabangan ng ating mga deaf ang batas na ito, lalo na ang pagtuturo ng FSL sa mga paaralan,” aniya.

Imahe mula sa Isabela School for the Deaf

“Mas magiging katuwang na natin ang deaf sa nation building dahil mas mapapadali na ang transactions nila sa gobyerno,” dagdag pa ng senadora.