Fighter jet ng US Navy bumagsak sa Philippine Sea, 2 piloto nailigtas

Isang fighter jet ng United States Navy ang bumagsak sa bahagi ng Philippine Sea matapos makaranas ng aberya ang manika nito.

Ayon sa Brigada News, nagsasagawa ng routine operations sa Philippine Sea ang F/A-18 Hornet na kabilang sa Carrier Air Wing 5 mula sa aircraft carrier na USS Ronald Reagan nang magkaroon ng mechanical problem ang eroplano.

Imahe kuha sa video ng GMA

Agad naman umanong nakapag-eject ang dalawang piloto nito at ligtas silang kinuha mula sa dagat ng isang rescue aircraft at ibinalik sa USS Ronald Reagan. Nakitang nasa maayos na kondisyon ang dalawa matapos silang isailalim sa medical checkup.

Sa isang pahayag, sinabi ng US Navy 7th Fleet na kasalukuyan nang nagsasagawa ng imbestigasyon hinggil sa pagbagsak ng fighter jet, na napag-alamang ikalawang eroplano mula sa USS Ronald Reagan na bumagsak sa loob lamang ng isang buwan.

Noong kalagitnaan ng Oktubre, bumagsak ang isang MH-Seahawk matapos nitong mag-takeoff. Ilang tripulante ng USS Ronald Reagan ang nasaktan sa nasabing insidente.

Imahe mula sa Philippine Navy

Samantala, ayon sa tagapagsalita ng Philippine Navy  na si Commander Jonathan Zata, wala silang natanggap na anumang report mula sa US Navy na humingi ng tulong para sa search and rescue sa bumagsak na fighter jet at mga piloto nito.

Gayunpaman, handa naman daw ang Philippine Navy na magbigay ng ayuda sa US Navy anumang oras na kakailanganin.