DPWH engineer na humihingi ng P20-M bribe sa contractor pinaiimbestigahan ni Pangulong Duterte

Isang District Engineer ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na diumano ay sangkot sa pangingikil sa contractor para sa isang road project sa Ifugao province ang pinaiimbestigahan ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC).

Ang sangkot na inhinyero, ayon sa Inquirer, ay kinilala ni PACC Commissioner Greco Belgica bilang si Engr. Lorna Ricardo na diumano’y nanghihingi ng lagay o “grease money” na aabot sa P20 milyon.

Imahe mula sa Facebook account ni Greco Belgica

Iprinisinta ni Belgica sa mga mamamahayag sa isang press conference ang video na nagpapakita umano na nanghihingi ng P10-milyon si Engr. Ricardo sa kinatawan ng contractor na isa sa mga bidders sa proyekto upang sa kanila mai-award ang P100-million Lagawe-Caba-Ponghal Road Development Project.

Bukod pa umano sa P10-milyon ay may iba pang hinihingi si Engr. Ricardo  na sa kabuuan ay aabot ng P20 milyon.

Nabanggit din umano ni Engr. Ricardo ang pangalang “Baguilat. Si Teodoro Baguilat, Jr. ang Representative ng Ifugao Province.

Wala naman umanong direktang ebidensya laban kay Rep. Baguilat dahil nabanggit lang daw ang pangalan nito, subalit isasama rin umano ito sa imbestigasyonn, ani Belgica.

Imahe mula sa Abante

Ang transakyon sa pagitan ng engineer at contractor ay naganap mula Enero hanggang Hulyo ng taong kasalukuyan, ani Belgica na nagsabing inimbitahan nila sa press conference si Engr. Ricardo upang mabigyan ng pagkakataong makapagpaliwanag, ngunit hindi ito dumating.

“Siya po ang district engineer ngayon, this was submitted to the Commission and this will be delivered to the Ombudsman and DPWH for administrative case,” ani Belgica.

“Nakita n’yo po ‘yung video, tatlong araw po tinrabaho ‘yun… nangyari diyan nakikipag-haggle siya, bigay n’yo muna tapos ‘yung mga binanggit na kesyo itataas daw sa DBM, bibigyan daw si congressman, marami pa ho siya sinabing bibigyan diyan but the video is enough that she violated the law,” dagdag pa niya.

Sinabi pa ni Belgica na nagpupuyos sa galit si Pangulong Duterte nang mapanood ang video. Inatasan umano siya ng Pangulo na dalhin sa Office of the Ombudsman ang kaso ng engineer.