Disenyo babaguhin: MMDA ipinagpaliban ang pagbubukas ng Kamuning Footbridge

Nakatakda sanang buksan sa publiko ang kontrobersyal na footbridge sa EDSA-Kamuning, Quezon City ngayong Huwebes, ika-15 ng Nobyembre, ngunit ipinagpaliban ito ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).

Ayon sa ulat ng Radyo Inquirer, sinabi umano ng tagapagsalita ng MMDA na si Celine Pialago na inurong sa ibang petsa ang pagbubukas ng nasabing footbridge dahil sa sobrang taas ay binansagan itong “Mount EDSA” at “Stairway to Heaven.” Nasa siyam na metro o katumbas ng tatlong palapag na gusali ang taas ng footbridge.

Imahe kuha mula sa video ng PTV

Ani Pialago, sa ika-27 ng Nobyembre ang target nilang gagawing pagbubukas ng Kamuning footbridge. Aniya ay ire-redesign iyon; dadagdagan umano ang mga landing upang mabawasan ang pagiging matarik niyon.

Paliwanag ni Pialago, kaya umano naging mataas ang footbridge ay dahil kinailangang magkaroon ng mula tatlo hanggang apat na metrong espasyo sa pagitan ng tulay at ng electrical lines ng MRT-3.

Imahe mula sa video ng PTV

Ang kontrobersyal na footbridge ay itinayo sa lugar na iyon matapos lumabas sa pag-aaral ng MMDA na sa bahaging iyon ng EDSA ang may pinakamaraming aksidenteng nagaganap na kinasasangkutan ng mga pedestrians.

Maaari naman umanong gamitin ng mga pedestrians ang iba pang  footbridges sa Commonwealth-Central Avenue kung ayaw nilang gamitin ang kontrobersyal na istruktura.