Coco Martin humingi ng paumanhin hinggil sa reklamo ng PNP sa “Ang Probinsyano”

Humingi ng paumanhin ang aktor na si Coco Martin sa mga pangyayari na may kinalaman sa popular na teleserye na “FPJ’s Ang Probinsyano” matapos maglabas ng hinaing ang hepe ng Philippine National Police na si Director General Oscar Albayalde.

Sa isang artikulo ng Kicker Daily, nanawagan umano si PNP Chief Albayalde sa production outfit na nasa likod ng nasabing teleserye na pinagbibidahan ni Coco Martin. Aniya, masamang impresyon ang iniiwan nito sa mga manonood tungkol sa pagsalalarawan sa mga pulis bilang masasama at korap.

Imahe mula sa Facebook page ng PTV News

“Hindi naman fair sa PNP ‘yung mga ganyang portrayal. Parang ‘yung the chief PNP himself is a villain — hindi naman po siguro kailanman nangyari sa amin. In reality, well, hindi puwedeng mangyari iyan,” ani Albayalde.

Dahil sa hinaing ng PNP Chief ay nag-post si Coco Martin ng larawan ng disclaimer para sa nasabing teleserye na nagsasabing pawang kathang-isip lamang ang mga karakter at insidente sa programa. May kasamang paumanhin ang larawang ibinahagi ng aktor.

Image via Coco Martin’s Instagram post

Sa panayam ng PEP kay Coco, sinabi niya na nais niyang maayos ang reklamo ni PNP Chief Albayalde dahil malaki raw ang respeto niya sa PNP.

“Siguro dahil bago ang PNP chief natin…nauunawaan naman natin sila kaya ako mismo humihingi ng paumanhin sa nangyayari ngayon,” wika ni Coco.

Samantala nilinaw naman ni PNP Chief Albayalde na hindi layunin ng PNP na ipatigil ang sikat na teleserye. Nais lamang umano niyang humingi ng dayalogo upang masabi nila o maibahagi ang kanilang obserbasyon sa programa.

Dagdag pa ni Albayalde, isa rin umano siyang tagahanga ng nasabing teleserye.

“We want one thing clear here, hindi po kami nag-request na ipatigil ‘yan, lalo na ‘yong mga fans. I’m a fan myself… what we want is audience lang so we can give our views also,” anang PNP Chief.