Balangiga Bells na tinangay ng mga Amerikano noong Philippine-American War, ibabalik na sa Pilipinas

Nagdiriwang ang mga residente ng Balangiga sa Eastern Samar sa balita na ang mga makasaysayang kampana na tinangay ng mga sundalong Amerikano bilang “war trophies” 117 taon na ang nakalilipas ay ibabalik na sa kanilang bayan sa Disyembre.

Ang nakatakdang pagbabalik ng Balangiga Bells ay itinuturing ng mga residente doon na  pinakamalaking aginaldong matatanggap nila ngayong Kapaskuhan, ayon kay Joy Campanero na ang mga kaanak ay kabilang sa mga nakipaglaban sa mga Amerikano sa sagupaang naganap sa Balangiga noong ika-28 ng Setyembre 1901.

Public Domain image

Ang dalawa sa tatlong kampana ay kasalukuyang nasa F.E. Warren Air Force Base sa Cheyenne, Wyoming  at ang ikatlo ay nasa  isang US Army Museum sa Camp Red Cloud na nasa South Korea.

Ayon sa ABS-CBN, isang seremonya para sa napipintong repatriation ng Balangiga Bells ang gaganapin sa F.E. Warren Air Force Base sa Wyoming sa ika-15 ng Nobyembre.

Public Domain image

Isang US Air Force plane umano ang magdadala ng mga kampana sa Villamor Air Base ngunit walang nabanggit na eksaktong petsa kung kailan ang dating ng mga iyon sa bansa, ayon kay Philippine Ambassador to Washingtom Jose Manuel Romualdez.

Samantala, hindi muna magbibigay ng anumang pahayag ang Duterte administration hinggil sa pagbabalik ng Balangiga Bells hangga’t wala pa ang mga iyon sa bansa.

Ani Pangulong Rodrigo Duterte, “It aint here until it’s here.”