Bagong ruta sa mas mabilis na biyahe patungong Baguio, Benguet binuksan ng DPWH

Magiging mas mabilis na ang biyahe mula La Union hanggang Baguio City at Benguet matapos buksan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang bagong alternatibong ruta at isang tulay.

Ayon sa Philippine News Agency, pinangunahan ni DPWH Sec. Mark Villar ang pagpapasinaya sa 14.24 kilometrong Aringay-Tubao Alternate Road at Anduyan Bridge sa La Union nitong Lunes, ika-26 ng Nobyembre.

Imahe mula sa Fscebook account ni Mark Villar

Inilahad ni Kalihim Villar na paiiksiin ng Aringay-Tubao Alternate Road sa 35 minuto ang biyahe mula Tubao, La Union patungong Benguet mula sa dating 2 oras. Kung patungong Baguio naman ay magiging isang oras na lang ang biyahe mula sa dating 2 oras at 25 minutong paglalakbay.

Imahe mula sa Facebook account ni Mark Villar

Ang Anduyan Bridge naman, ayon kay Sec. Villar, ay nagsilbing maagang pamaskong handog ng DPWH sa mga residente ng  Barangay Rizal at Alog East sa Tubao.

“Ang kagandahan sa tulay na ito ay hindi na kailangan magbalsa ng ating mga kababayan. Kung dati-rati ay kailangan pa nilang magbalsa upang makatawid lang sa Aringay river, ngayon ay mayroon na silang kalsada na maaaring gamitin sa araw-araw nilang gawain,” ani Sec. Villar.

Imahe mula sa Facebook account ni Mark Villar

Dagdag pa ni Villar na ang isa pang magandang epekto ng mga nasabing proyekto ay mababawasan ang pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Marcos Highway.

“Another impact of this project is that it will decongest traffic along Marcos Highway. Lalo na ngayon na sarado at prone pa rin sa landslides ang Kennon Road. ‘Yung mga kababayan natin na balak mag-Pasko sa Baguio ay maaari nang dumaan dito,” paglalahad pa ng kalihim.