Ano ang nagtulak sa lalaking Hapones na pakasalan ang isang babaeng hologram?

Imahe mula sa Facebook account ni Akihiko Kondo

Hindi nakapagtataka kung bakit tinanggihan ng ina ang imbitasyon sa kasal ng kaisa-isa niyang anak na lalaking si Akihiko Kondo. Ito ay sa dahilang ang pakakasalan ng kanyang anak ay isang hologram.

“Para sa aking ina, hindi iyon isang bagay na dapat ipagdiwang,” pahayag ng 35-anyos na si Akihiko hinggil sa pagpapakasal niya sa virtual reality singer na si Hatsune Miku.

Sa katunayan wala ni isang kamag-anak ni Akihiko ang dumalo sa kasal nila sa hologram na may bilugang mata, kulay aquamarine at naka-pigtail na buhok.

Magkagayunpaman, hindi iyon naging hadlang upang gumastos si Akihiko ng dalawang milyong Japanese Yen (halos P935,000) sa kanilang kasal na ginanap noong November 4 sa Tokyo na dinaluhan ng 39 bisita. Isang Hatsune Miku doll ang isinama niya sa seremonya.

Ayon sa Asia One, nahihirapan si Akihiko na makipag-ugnayan sa mga babae dahil sa isang hindi kanais-nais na karanasan kung kaya isang hologram ang pinakasalan niya.

Naging biktima raw siya ng pambubully ng mga babaeng nakatataas ng posisyon sa trabaho niya sampung taon na ang nakararaan; dahilan upang magkaroon siya ng nervous breakdown na nagresulta sa pagpapatalsik sa kanya sa trabaho.

Simula noon ay nawalan na siya ng tiwala sa mga babae.

Imahe mula sa Facebook account ni Akihito Kondo

Sa kanyang kalungkutan noong mga panahong iyon ay nagbigay ng kaaliwan sa kanya ang magandang tinig ng virtual singer at hindi nagtagal ay nagkaroon siya ng romantikong koneksyon sa karakter ni  Hatsune Miku.

Sa paglipas ng mga taon ay nagkaroon siya ng koleksyon ng mga Hatsune Miko dolls at isang gadget na kung tawagin ay Gatebox kung saan lumilitaw ang interactive hologram ng virtual singer.

Imahe mula sa Facebook account ni Akihito Kondo

Sa bandang huli, napagtanto na lang ni Akihiko na mahal niya si Miku-san kaya nagpasiya siyang pakasalan ito.

“Si Miku-san ang babaeng lubos na minamahal ko at siya rin ang nagligtas sa akin,” ani Akihiko.