TUCP, humihirit ng P320 dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa bansa




Imahe mula sa video ng GMA News

Ipinahayag ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) nitong Huwebes, ika-31 ng Mayo, na ipanunukala nila ang P320 dagdag sa arawang sweldo ng lahat ng mga manggagawa sa buong bansa.

Ayon sa ulat ng GMA News, ang hinihirit na dagdag-sahod ng TUCP ay iba pa sa panukalang batas ng ilang progresibong mambabatas na itaas sa P750 ang national minimum wage.

Sa ilalim ng panukala ng TUCP, ang daily minimum wage sa Metro Manila ay tataas mula sa P512 sa P832 at ang daily minimum wage naman sa Autonomous Region in Muslim Mindanao na P265 ay tataas sa P585.

Image capture of video by GMA News via YouTube

“Ang mangyayari po diyan, differentiated pa rin ‘yung mga wages. Hindi po pare-parehas na lahat ng mga regions. Kung ang tanong po ay kaya, kaya pong ibigay kung gugustuhin lang ibigay dahil ito naman po dapat talaga napunta sa workers,” ani  Vincente Camilon Jr., assistant secretary-general ng TUCP.

Samantala, nagbabala naman ang Employers Confederation of the Philippines (ECOP) sa hindi magiging magandang resulta ng panukala.

Ayon kay ECOP acting president Sergio Ortiz-Luis Jr., patuloy lang na mapapabayaan ang mga unemployed sector ng ating labor force kung susundin ang panukala ng TUCP.

Aniya, ang pasakit ng inflation na ibubunga ng wage hike ay magpapalala lamang sa kalagayan ng ibang mga manggagawa dahil mga minimum wage earners lang ang makikinabang sa anumang wage adjustment.

Samantala, narito ang video na ibinahagi ng GMA News via YouTube: