Sotto sa publiko: Pagkatiwalaan si Duterte, walang bansa na gugustuhing makipaggiyera




Image from Sen. Tito Sotto's Facebook account

“Pagkatiwalaan ang desisyon ni Duterte. Walang bansa na gugustuhing makipaggiyera.”

Iginiit ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III sa publiko na kailangan umanong pagkatiwalaan si Pangulong Rodrigo Duterte hinggil sa pag-iwas nito sa giyera sa China.

Tugon ito ni Sotto sa gitna ng kritisismo na kinakaharap ng administrasyong Duterte kaugnay sa isyu ng West Philippine Sea (WPS) sa pagitan ng Pilipinas at China.

Ani Sotto: “No country wants to go to war that is why we are exhausting all possible means to avoid it from happening.”

Punto ng senate president, si Duterte ang arkitekto ng foreign policy ng bansa kaya dapat lamang na pagkatiwalaan ang pasya nito at maging ang pakikipag-ugnayan ng Pangulo sa ibang bansa.


Image via Facebook account of Presidential Communications (Government of the Philippines)

Sinang-ayunan din ni Sotto ang Commander-in-Chief sa paulit-ulit nitong pagsabi na hindi dapat umabot ang Pilipinas sa pakikipagdigma sa China o sa kahit na anumang bansa nang dahil sa WPS, ayon sa ulat ng TNT Abante.

Inalala rin niya ang isang milyong Pilipino na namatay noong World War II dahil sa digmaan.

Samantala, nilinaw na Armed Forces of the Philippines na wala umanong ipinag-uutos si Duterte na itigil ang pagpapatrolya sa WPS; taliwas sa iginigiit ni Magdalo Party-list Rep. Gary Alejano, ayon sa ulat ng Politiko.

Ayon kay AFP Spokesperson Col. Edgard Arevalo, hindi nakatanggap ng ganyang impormasyon ang AFP.

Giit ni Arevalo, patuloy ang military air at sea patrols sa pagbabantay at pangangalaga sa WPS.

Aniya: “Your AFP is continuing to perform its mandate.”