Matapos idawit ang ama, Kris Aquino kay Mocha Uson: ‘Hindi kita uurungan!’




Image capture from Kris Aquino/Mocha Uson Instagram account

Kung may gusto kang punching bag, please ako na lang. Kasi buhay ako, kaya kitang sagutin. At hindi kita uurungan!”

Ito ang buwelta ni Kris Aquino laban kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson sa pagdawit ni Uson ang ama ni Kris upang depensahan si Pangulong Rodrigo Duterte sa kontrobersiyal na halik nito sa isang overseas Filipino worker (OFW) sa South Korea.

Sa Facebook post ni Uson, ibinahagi nito ang isang lumang video footage na kuha kay Benigno “Ninoy” Aquino Jr. bago ito mapaslang noong 1983.

Mapanonood sa video ang paghalik ng dalawang babae kay Aquino bago ito bumaba ng eroplano.

Image capture of video by Mocha Uson via Facebook

Marami akong pinalagpas. Binalahura mo na ang buong pagkatao ng pamilya namin… Mapapansin mo si Noy hindi parte ng video ko dahil BUHAY sya. Kaya nyang depensahan ang sarili nya. Pero nung napanuod ko yung inupload mo para depensahan si presidente Duterte (na ni minsan hindi ko pinakitaan ng hindi maganda) alam mo ba kung ano ang ginawa mo? Sinariwa mo ang sugat sa puso ng isang batang 12 years old nung pinaslang ng walang kalaban laban ang kanyang ama,” ani  Kris sa kanyang Instagram account.

Umiyak ako ng tuloy tuloy dahil NAINGGIT ako sa 2 babaeng nakahalik sa Dad ko bago siya napatay,” saad pa ni Kris.

Kinastigo ni Kris si Mocha dahil sa diumano’y pambabastos nito sa kanyang ina na si dating Pangulong Corazon “Cory” Aquino.

Nangako akong hindi kita papatulan – – this time you crossed the line. You reminded me how much I hurt my mom nung buntis ako kay Josh & na disown ako pero nung 1 month si kuya – naglakas loob akong pumunta sa Times Street & once kinarga nya yung apo nya – sya na yung pinaka nagmahal sa akong may autism.

Pinaalala mo na nung issue namin joey, nung umamin ako sa STD, niyakap lang ako ng nanay ko. Sa lahat ng naging palpak sa buhay ko – siguro ang kaibahan namin – WALA KAMING PINAGTAKPAN.

Inako ko lahat ng mali ko at dahil nga minahal ako ng nanay ko at gusto kung maging mabuting ina – sinisikap kong ayusin ang buhay ko. Kaya ngayon hihiramin ko ang salita niya: TAMA NA. SOBRA NA

Wika pa ni Kris, anuman ang paninirang gawin sa kanya ni Mocha ay hindi niya ito uurungan.

Image capture of video shared by Kris Aquino via Instagram account