Kim Jong-un ng North Korea, nakitang umiiyak

Imahe mula sa KCNA

Isang video diumano ang kumalalat sa North Korea kung saan nakitang lumuluha ang lider nito na si Kim Jong-un.

Sa ulat ng Asahi Shimbun, sinabi umano ng narrator ng video na ang dahilan ng pag-iyak ng North Korean leader ay ang hindi magandang kalagayan ng ekonomiya ng kanilang bansa. Sa naturang video, nakatayo umano si Kim Jong-un sa hindi pinangalanang baybayin habang nakamasid sa kawalan at ang luha ay dumadalisdis sa kanyang pisngi.

Ayon pa sa narrator, nababalisa umano si Kim Jong-un dahil sa kawalan niya ng kakayahan upang pasiglahin ang ekonomiya ng kanyang bansa.

Isang defector sa South Korea na dating nagsilbi sa Worker’s Party of Korea, ang ruling party ng North Korea, ang nagbunyag na ang nasabing video ay unang lumabas noong buwan ng Abril at isa raw iyong mensahe ni Kim Jong-un sa mga high-ranking members ng partido.

Kim Jong-un napaiyak sa masamang kalagayan ng ekonomiya ng North Korea

Hinala ng defector, ang kumakalat na video ay isa umanong palihim na paraan upang ihanda ang North Korea sa posibleng mga pagbabagong magaganap pagkatapos ng pakikipag-usap niya kay US President Donald Trump.

Maaari umanong inihahanda ni Kim Jong-un ang kanilang mamamayan sa anumang magiging bunga ng summit nila ni Trump na nakatakda sa ika-12 ng Hunyo na gaganapin sa Singapore.