Inday Sara nagbiro sa posibleng pagtakbo bilang bise presidente




Image capture from Inquirer video via You Tube Channel

MAYNILA, Pilipinas – Wala pang pinal na desisyon si Davao City Mayor Sara Duterte kung anong posisyon ang balak niyang takbuhan sa darating na eleksiyon sa susunod na taon.

Ayon sa panganay na anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, ang kanilang magiging pasya ay depende pa rin sa maraming bagay kabilang na ang mga lalabas na resulta ng surveys at ang kanilang makinarya para maglunsad ng kampanya.

“I don’t know yet. We will decide usually by tradition, one or two months before election, depending on the surveys, depending on the capacity to run a campaign,” wika ni Inday Sara sa panayam ng mga mamamahayag nitong Martes.

Ginawa ng alkalde ang naturang pahayag matapos ang ginawang pagdinig sa Commission on Election (Comelec) para sa registration ng kanilang bagong partido, ang Hugpong ng Pagbabago (HNP) Party.

 “None yet. It all depends on the foes, availability of funds, also on the winnability. It all depends on those factors,” anang nakababatang Duterte nang tanungin kung mayroon na siyang tinatarget na posisyon.

Ganunpaman, bukas umano siya sa anumang posisyon, kabilang na ang bise presidente.

“Vice President? Joke only. Yeah, I’m open (to any position),” wika pa nito.

Image capture of video from Hugpong ng Pagbabago Facebook page

Iginiit din ng Davao City mayor na hindi nakikialam sa kanilang plano ang Pangulo at ipinaubaya na lamang umano sa kanila anuman ang mapagpasiyahan ng partido.

Umaasa rin si Inday Sara na maaprubahan ng Comelec ang kanilang aplikasyon para maging opisyal na partido ang HNP na sasabak sa 2019 election.

Magugunitang naging kontrobersiyal ang paglulunsad ni Inday Sara ng HNP noong Pebrero dahil tinawag itong partido ng oposisyon ni Speaker Pantaleon Alvarez na kaalyado ng kanyang ama sa Kongreso.

Hindi ito pinalampas ng alkalde at tinawag nitong ‘insecure slob’ at ‘makapal ang mukha’ ang Speaker. Binantaan din ni Inday Sara si Alvarez na nagkamali siya ng babaeng babanggain.

Source :

Inquirer, PNA, Rappler