Goodbye, YM: Yahoo Messenger, tuluyan nang mamamaalam sa sirkulasyon




Mga larawan mula sa Google Public Domain Image

Simula nang pumatok sa mga tao ang paggamit ng computer, laptop, at internet, nagsimula na ring umusbong at mauso ang paggamit ng mga online chat rooms.

Hindi pa uso ang Facebook, Instagram, Twitter, smartphones at apps noong 1998 dahil ang namamayagpag ay Friendster, My Space, at Yahoo Messenger. Nagbigay ito ng daan sa napakaraming Pilipino upang makahanap ng mga bagong kakilala, kaibigan, o kapareha sa buhay; sa loob at labas man ng bansa.

Mga larawan mula sa Google Public Domain Image

Ngunit nitong June 11, 2018, inihayag ng Yahoo sa kanilang website na hanggang July 17, 2018 na lamang magagamit ang Yahoo messenger.

“After July 17, you’ll no longer be able to access your chats and the service will no longer work,” turan sa pahayag ng Yahoo.

Batay sa inilabas na pabatid ng  Yahoo, nakatuon sila ngayon sa pagbuo at pagpapakilala ng bago at nakasasabik na communication tools upang makasabay sa iba pang mga sikat na social media platforms sa kasalukuyan.

“As the communications landscape continues to change over, we’re focusing on building and introducing new, exciting communications tools that better fit consumer needs,” ayon sa pamunuan ng Yahoo.

Marami naman sa mga netizen ang nalungkot sa balitang ito. Maraming netizen ang nagbalik-alaala sa mga panahong kinahumalingan nila ang YM, sumali sa iba’t ibang chat rooms tulad ng Metro Manila Barkada; isa sa mga pinakasikat na group chat room sa YM.

May ilang mga netizen din ang nagpahayag na may “sentimental value” sa kanila ang YM dahil doon nila nakilala ang kanilang karelasyon.

Mga larawan mula sa Google Public Domain Image

Well, ganoon talaga ang tawag ng pagbabago. Panahon na para sa mas maunlad na pamamaraan.