First Star Circle Quest ‘grand questor’ Hero, ginunita ang ika-14 anibersaryo ng show




Mga imahe mula sa Facebook page na Sandara Park at Instagram account ni Hero Angeles

Buong pusong ginunita ng unang Star Circle Quest “grand questor” na si Hero Angeles ang ika-14 anibersaryo ng show.

Sa Instagram, isang mahaba at nakaaantig na post ang ibinahagi ni Angeles.

“Katorse na! Sariwa pa rin sa alaala ko lahat ng pinagdaanan ko noong sumali ako sa Star Circle Quest. Napakarami kong nakilala at nakasalamuhang tao. Natutunan kong tuklasin ang mga kakayanan ko. Natuto din akong masaktan at lumaban. ‘Di pa gano’n ka-active ang social media noon kaya ngayon, pasasalamatan ko ulit ang lahat ng sumuporta sa akin,” pagsisimula ni Angeles sa caption ng litrato niya habang nakasuot ng Star Circle Quest shirt.

Imahe mula sa Instagram account ni Hero Angeles

Nagpasalamat ang aktor sa lahat ng mga naging bahagi ng paglalakbay niya patungo sa pagiging grand questor at sa pagiging ganap na artista.

“Salamat kay God sa napakaganda at masayang experience na ito. Salamat sa pamilya at mga kaibigan na umalalay sa akin. Sa lahat mga taong naging bahagi ng journey na ito. Sa mga naniwalang kakayanin ko. Sa mga bumoto. Sa mga sumigaw at pumalakpak. Sa mga nag-abang at sumubaybay. Sa mga bumubuo ng programang ito, maraming salamat po,” aniya.

“Madami akong natutunan mula nang pumasok ako sa mundo ng showbiz. Mula sa pag-akyat at pagbaba ko ng entablado, nasaksihan ko ang maraming bagay. Sa mga pagkakataong dumaan ako sa mga pagsubok, nakilala ko ang mga taong tunay na nandyan para sa akin. May ilang naiwan habang ang iba’y nawala. Ngunit lahat ng ito’y itinuturing kong biyaya. Dahil dito, naging malakas at matatag ako,” dagdag pa ng aktor.

Sabi pa niya, malaki ang naitulong sa kanya ng oportunidad na ibinigay sa kanya ng show.

“Masaya ako sa kung ano ang mayroon at kung nasaan ako ngayon. Lahat ng ito ay ‘di ko mararating kung ‘di dahil sa mga taong gumabay at sumuporta sa akin. Nabago ang buhay ko dahil sa oportunidad na ito. Tunay na napakagandang experience. Muli, maraming maraming salamat po! Love you all!” aniya.

Sa kasalukuyan, bukod sa paminsan-minsang showbiz projects ay abala rin si Angeles sa pagiging isang alagad ng sining.

Patok na patok din sa marami ang kanyang “miniature food sculptures” na ibinabahagi niya sa kanyang page na Artcetero.

Mga imahe mula sa Facebook page na Artcetero

Sa isang naunang panayam, sinabi niya na nag-ugat ang passion niya sa miniature artworks dahil sa kagustuhan niya na mabigyan naman ng importansya ang maliliit na bagay.