Duterte, tiwala pa rin kay Mocha sa gitna ng away nila ni Kris Aquino




Images from Mocha Uson Blog/ Kris Aquino Facebook pages

MAYNILA, Pilipinas – Nananatiling buo ang tiwala ni Pangulong Rodrigo Duterte kay Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson sa gitna ng iringan ng huli at ni Kris Aquino.

Nag-ugat ang hidwaan ng dalawa matapos ikumpara ni Mocha sa isang post ang paghalik ni Duterte sa isang may-asawang OFW sa South Korea sa paghalik ng isang tagahanga kay yumaong Benigno ‘Ninoy’ Aquino, ang ama ni Kris.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hangga’t hindi tinatanggal ng presidente sa serbisyo si Mocha, ay ibig sabihin na buo pa rin ang tiwala niya dito.

“She hasn’t been fired. For as long as she hasn’t been fired, she enjoys trust and confidence because all presidential appointees serve at the pleasure of the President,” ani Roque sa isang press briefing nitong Huwebes.

Magugunitang sinabi ni Kris na humingi na ng paumanhin sa kanya ang Pangulo sa pamamagitan ni Special Assistant to the President Christopher ‘Bong’ Go. Sinabi rin umano ni Go na plano ring mag-sorry ni Mocha kay Kris.

Subalit sa pinakahuling post ni Mocha sa kanyang Facebok page, sinabi nito na hindi siya hihingi ng paumanhin sa actress-TV host.

Image capture of from Mocha Uson Blog’s Facebook post

“Tungkol ito sa paglagay ng malisya sa isang halik. Itinumbas lang sa gawain ng ibang lider tulad ng tatay niya. Ms. Aquino, this is not about you,” wika ni Mocha.

“With all due respect to everyone involved, I decline to apologize for the truth,” dagdag pa ng PCOO official.

Paliwanag pa ni Roque, hindi niya alam ang pinag-usapan nina Go at Duterte kaya wala siyang maaaring maging komento tungkol sa paghingi umano ng paumanhin ng Pangulo kay Kris.