Duterte muling biniro si DOT chief Puyat: “Ano ba tayo, on o hindi?”




Image capture from video via PCOO Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Tinuldukan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga usap-usapan na ‘girlfriend’ niya umano si Department of Tourism (DOT) Secretary Bernadette Romulo-Puyat na madalas niyang biruin sa mga talumpati.

Sa pagpapasinaya ng Mactan-Cebu International Airport (MCIA) sa Lapu Lapu City, Cebu nitong Huwebes, nilinaw ng Pangulo na hindi niya kasintahan si Romulo, subalit isang malapit na kaibigan lamang.

Nagsimula umano ang kanilang pagkakaibigan noong siya ay alkalde pa lamang ng Davao City at ang ama ng kalihim na si Alberto Romulo ay Executive Secretary noon ni dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

“Malapit ako kay Executive Secretary [Romulo]. Because as a local government employee, I go there to ask for projects and the approval and things like that. Ito naman si Bernadette, talagang parang buddy-buddy ko. Pero ang mga TV, ‘yung binabantayan ‘yung body language. She’s not [my girlfriend],” kuwento ng presidente.

Ganunpaman, hindi pa rin maiwasang biruin ng Pangulo ang magandang kalihim ng DOT.

“Ano ba tayo, on o hindi? Magsabi ka ng totoo,” hirit ni Duterte, sabay linaw na si Puyat, para sa kanya, ay isang “very old friend”.

Image from PCOO Facebook page

Ipinaliwanag din ni Duterte kung bakit si Puyat ang kanyang napili na kapalit ni Wanda Teo na pamunuan ang Toursim department.

“You’re at the moment when there was really nobody to pick, siya ang pinili ko because I know her. She’s a magna cum laude graduate of the School of Economics,” wika nito.

Sa nasabing talumpati, muling nagbiro ang Pangulo na handa siyang halikan ang isang babae sa publiko kung mayroong magbo-volunteer sa mga ito, dahilan para magtawanan ang mga tao.

Marami na umano siyang nahalikang babae, libo kung tutuusin, lalo na noong panahon ng kampanya. Kadalasan daw ay halik ang hinihingi niyang kapalit para mamigay ng mga ballers.

“And I kissed them. In the many campaigns, nauso ‘yung baller. Maybe kissed a thousand ladies on the lips,” patuloy pa ng presidente.