Chinese Coast Guard, madalas ‘kotongan’ ng huling isda ang mga mangingisdang Pinoy sa WPS

Image capture from GMA News video via You Tube

MAYNILA, Pilipinas – Madalas umanong ‘kotongan’ ng mga Chinese Coast Guard ang mga mangingisdang Pilipino na namamalakaya sa West Philippine Sea; ito ang sumbong ng ilang mangingisda sa ulat ng GMA News.

Kuwento ng ilang mangingisdang Pinoy sa Bajo de Masinloc, nilalapitan umano sila ng Chinese Coast Guard sakay ng kanilang motorboat at tatanungin kung mayroon silang huli. Aalis lamang umano ang mga ito kapag sinabi nilang wala pa.

Ayon kay Ernie Egana, nakagawian na ng mga Intsik na humingi sa kanila ng isda at minsan ay hindi man lamang nagpapaalam ang mga ito. Pinipili pa umano ng mga ito kadalasan ang kanilang pinakamalalaking huli.

“Wala silang paalam. Halungkatin nila ‘yun, basta maghalungkat sila, sir. Kukunin nila ‘yung gusto nila. Ilagay nila sa plastic, magaganda pa ang kunin nila,” wika ni Egana na ipinakita pa sa reporter ng GMA News sa pamamagitan ng Reporter’s Notebook episode na “Batas ng Karagatan” ang pangyayari noong Mayo 20.

Nangako naman si Presidential Spokesperson Harry Roque na ipaaabot nila sa pamahalaan ng Tsina ang mga reklamo ng mga mangingisdang Pinoy.

“Madali po ‘yan. Irereklamo natin ‘yan sa bansang Tsina dahil sa pagkakaintinti po natin, tayo’y magkaibigan na. Dapat hinahayaang maghanapbuhay ang ating mga mangingisda doon,” wika ng opisyal ng Malakanyang.

Nauna nang sinabi ni Magdalo Rep. Gary Alejano na nakaranas din ng harassment mula sa tropang Intsik ang Philippine Navy sa Ayungin Shoal noong nakaraang  buwan.

Image capture from video by GMA News via You Tube

Ayon kay Alejano, base umano sa kanyang source sa DFA, hinamon ng isang chopper ng Chinese Navy ang rubber boat ng Philippine Navy sa isang insidente noong Mayo; sanhi para magsampa ng reklamo ang huli laban sa China.

“The PLAN (China’s navy) was so close that sea water splash entered the rubber boat,” wika ni Alejano.

Wika pa ng mambabatas, ngayon ay hindi lang ang Chinese Coast Guard ang nanghaharass sa WPS kundi kasama na ng mga ito ang PLAN.

Panoorin ang insidente sa ulat ng GMA News: