Bam sa posibleng pagtakbo ni Kris sa Senado: “I think she’d win”




Image from Sen. Bam Aquino's Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Naniniwala umano si Senador Bam Aquino na malaki ang tsansa ng kanyang pinsang si Kris Aquino na manalo kung sakali mang subukan nitong tumakbo bilang senador sa darating na halalan.

Ito ay matapos magbigay ng pahiwatig si Kris sa posibleng pagsabak niya sa politika sa gitna ng iringan nila ni Presidential Communications Operations Office (PCOO) Assistant Secretary Mocha Uson nitong mga nakaraang araw.

“Si Kris, if she decides to run, I think she’d win. Honestly ha, kung itutuloy niya ‘tong paninindigan laban sa ginagawa ng mga administrasyon, I think she’d be very welcome in the Senate,” wika ni Bam na muling tatakbo sa 2019 election.

Nauna nang sinabi ni Kris na dalawang bagay ang pumipigil sa kanya para subukan ang public service – ang kanyang mga endorsement contracts at ang binitiwan niyang pangako sa kanyang inang si Cory Aquino.

Paliwanag ni Kris, halos lahat sa mahigit 50 niyang kontrata ay ipinagbabawal ang pagtakbo niya sa gobyerno at kung sakaling labagin niya ito ay kailangan niyang ibalik ang mga naibayad ng kompanya sa kanya bukod pa sa mga babayarang damages.

Nangako rin umano siya kay Tita Cory na papasukin lamang niya ang public service kapag handa na siyang mamuhay nang simple.

“Sorry po, I’m being so honest. I’m telling you I cannot afford it. Kasi din hindi pa ako simple,” wika ng Queen of all Media.

Ganunpaman, wika ng kanyang pinsang si Bam, ‘welcome’ pa rin umano sa Senado ang kontrobersiyal na TV host-actress kung sakaling magbago ang isip nito.

“At this point, anyone who is willing to stand up and speak out, have that voice is welcome. Anyone who is winnable and kaya manindigan is more than welcome,” ani Bam.

Bukod kay Kris, dalawa pang personalidad ang nais ni Bam na maging bahagi ng oposisyon lineup sa 2019 – sina Ombudsman Conchita Carpio-Morales at ang dating Chief Justice Maria Lourdes Sereno.

Si Morales ay inamin nang wala siyang balak pasukin ang mundo ng pulitika, habang si Sereno ay hindi pa nagbibigay ng pahayag tungkol dito.