Albayalde, ipinagbawal na ang pagpepresenta ng mga suspek sa media




Image from PNP Facebook page

MAYNILA, Pilipinas – Ipinatupad na ni Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde ang isang dating kautusan na nagbabawal sa pagpepresenta sa media ng sinumang mga suspek na naaresto na may kaugnayan sa isang krimen.

Ayon kay Supt. Benigno Durana, tagapagsalita ng PNP, inilabas ni Albayalde ang naturang utos matapos ang pakikipagpulong ng huli kay Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle noong nakaraang linggo.

“We enhance our strategy against illegal drugs by upholding, observing, respecting and promoting human rights and the rule of law,” paliwanag ni Durana.

“And the way we do that is by upholding the human rights even of crime suspects,” dagdag pa ng opisyal.

Ang nasabing kautusan ay nakapaloob sa isang lumang memorandum na pinirmahan ni dating PNP chief Jesus Verzosa noong taong 2008. Ito ay naglalayong pigilan ang pagpepresenta ng mga suspek sa harap ng mga mamamahayag.

Sa nasabing memo ni Versoza, ang gawaing ito ay nagdudulot ng kahihiyan hindi lang sa kanila kundi maging sa kanilang pamilya bago pa man mapatunayang sila nga ay totoong nagkasala.

“The presentation of the suspects to the media is not only violative of their constitutional rights of presumption of innocence, but also their human rights, subjecting them to unwanted publicity,” wika pa ng nasabing memo.