Philippine Rise idineklara bilang marine protected area

Image from Oceana/ Vera Files

MAYNILA, Pilipinas – Idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bahagi ng Philippine Rise, na dating Benham Rise, bilang marine protected area.

Ginawa ni Duterte ang nasabing proklamasyon sa kanyang talumpati sa Casiguran Bay, Aurora province nitong Martes, ika-15 ng Mayo; ang unang araw ng kanyang nakatakdang pagbisita sana sa mayamang underwater plateau.

“Around 50,000 hectares of the Philippine Rise shall become a Strict Protection Zone limited to scientific studies – at this time only Filipinos,” anang Pangulo.

“While more than 300,000 hectares shall be designated as a special fisheries management area,” dagdag pa nito.

Pinasinayaan din ng Pangulo ang paglulunsad sa nakatakdang pag-aaral sa Philippine Rise ng aabot sa 50 Pilipinong siyentipiko. Wika ni Duterte, naniniwala siya sa kakayahan ng mga Pinoy scientists.

“The government will provide necessary means to fulfill your mandate. This development would not have been possible without the efforts of dedicated scientists and legal experts who work together to bolster our claim over Philippine Rise,” anang Pangulo.

Samantala, napaulat na hindi nakarating ang Pangulo sa Philippine Rise; bagkus ay sa bahagi lang ng Casiguran Bay dahil sa hindi pa malamang dahilan.

Naudlot din ang plano sana ni Duterte na mag-jet ski sa nasabing karagatan at pinalitan na lamang umano ito nina Special Assistant to the President Bong Go at Presidential Son Sebastian ‘Baste’ Duterte.