Pangulong Duterte bibisita sa Philippine (Benham) Rise

Images from PCOO/ Oceana via Vera Files

MAYNILA, Pilipinas  –  Nakatakdang bumisita sa Philippine Rise, dating Benham Rise, si Pangulong Rodrigo Duterte ngayong buwan para alalahanin ang unang taon simula nang baguhin niya ang pangalan ng nasabing lugar.

Ayon sa Malakanyang nitong Martes, maglalayag ang Pangulo patungong Philippine Rise sa darating na Mayo 15 hanggang 16.

Magugunitang ginawang Philippine Rise ni Duterte ang pangalan ng Benham Rise sa bisa ng kanyang Executive Order No. 25 Mayo 16 noong nakaraang taon.

Bukod dito, ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, pasisinayaan din umano ng Pangulo ang nakatakdang scientific research na pangungunahan ng 50 siyentipiko.

“The event will be attended by 50 scientists whom the President will be sending off as they start their scientific researches in Philippine Rise,” wika ni Roque.

Nauna nang nabanggit ni Duterte noong nakaraang Abril na personal niyang bibisitahin ang Philippine Rise para bigyang-diin ang ‘sovereign rights’ ng Pilipinas dito.

Nagpadala rin ng isang batalyon ng Marines ang Pangulo sa lugar para pangalagaan at protektahan ang interes ng bansa sa gitna ng mga ulat na may namataang mga mangingisdang Intsik sa naturang karagatan.