North Korea, hindi tuluyang bibitiwan ang nuclear weapons – Top defector




Imahe kuha mula sa video ng Aljazeera

Hindi tuluyang bibitiwan o isusuko ng North Korea ang mga armas nukleyar nito; ito ay ayon sa isang top defector.

Ayon sa ulat ng Channel News Asia, sinabi umano  ni Thae Yong-ho, ang dating deputy ambassador ng North Korea sa Great Britain na nag-defect sa South Korea noong 2016, ang nangyayari ngayon na diplomasya at negosasyon ay hindi matatapos sa isang kumpletong disarmament o pag-aalis ng mga armas.

Ang pahayag ay sinabi ni Thae ilang linggo bago ang inaasahang makasaysayang pagtatagpo nina North Korean leader Kim Jong-un at U.S. President Donald Trump sa Singapore sa ika-12 ng Hunyo.

Sa bandang huli ay mananatili pa rin daw na isang nuclear power ang North Korea.

Nito lang nakaraang linggo ay inanunsiyo ng North Korea na wawasakin at babaklasin na nito ang kanilang nuclear test site na gagawin sa ika-23 hanggang ika-25 ng Mayo.

Kabilang sa pagbaklas ng nuclear test site ang pagpapabagsak ng lahat ng mga tunnel sa pamamagitan ng pagpapasabog upang harangan ang lahat ng lagusan at ang pagtatanggal ng mga observation facilities, research buildings at mga security posts.

Ang pagwasak sa nuclear test site ay sasaksihan umano ng international media, kabilang na ang mula sa Estados Unidos at South Korea.