Missiles ng China, nakaumang sa Pilipinas – dating Solgen

Image capture from ANC video via You Tube

MAYNILA, Pilipinas – Kinontra ni dating Solicitor General Florin Hilbay ang naging pahayag ng Malakanyang na hindi nakaumang sa Pilipinas ang napaulat na mga missiles ng China sa mga pinagtatalunang isla sa West Philippine Sea (WPS).

Ayon kay Hilbay, ang solicitor general ng nakaraang administrasyon at isa sa mga nanguna sa pagtatanggol sa posisyon ng bansa sa The Hague international tribunal, malabo umano ang sinabi ng Palasyo na hindi ang Pilipinas ang target ng mga missiles ng China dahil tayo ang pinakamalapit na bansa sa WPS.

“It’s false to say the missiles are not directed at us because it’s a missile system. It’s technically directed at everyone within the range of that missile system and we’re nearest to that missile system. It is in fact directed at us,” paliwanag ni Hilbay sa panayam ng ANC.

Nauna nang sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na kumpiyansa umano ang adiministrasyon Duterte na hind puntirya ng China ang Pilipinas dahil sa mabuting relasyon ng dalawang bansa.

“With our recently developed close relationship and friendship with China, we are confident that those missiles are not directed at us,” wika ni Roque noong nakarang linggo.

Iginiit din ng Malakanyang na hindi itinuturing ng China na banta ang Pilipinas kaya malabong mangyari ang kinatatakutan ng karamihan na mauwi sa gulo ang patuloy na pagiging agresibo ng komunistang bansa sa West Philippine Sea.

Inamin din ni Roque na sa kasalukuyan ay walang kapabilidad ang Pilipinas para i-verify kung mayroon ngang nakalagay na missiles system sa tatlong isla sa pinag-aagawang teritoryo.