Deployment ban sa Kuwait tuluyan nang inalis ni Duterte




Image from PCOO

Tuluyan nang inalis ni Pangulong Rodrigo Duterte ang deployment ban sa mga manggagawang Pinoy sa Kuwait nitong Mayo 16.

Ayon sa ulat ng GMA, inatasan ng Pangulo si Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III na alisin na ang ban sa lahat ng Pinoy workers sa Kuwait.

Ang kautusan ay inilabas  ni Duterte ilang araw makaraang lagdaan ng Pilipinas at Kuwait ang kasunduan na magbibigay ng dagdag na proteksyon sa mga OFW na nagtatrabaho sa naturang na bansa sa Gitnang Silangan.

Upon recommendation of Special Envoy to Kuwait Abdullah Mama-o, President Rodrigo Roa Duterte tonight instructed [Labor] Secretary Silvestre Bello to totally lift the ban on deployment of Filipino workers to Kuwait,” ayon kay presidential spokesperson Harry Roque.

Bago nito, Mayo 15 nang unang  alisin ang deployment ban sa mga semi-skilled at skilled workers na patungong Kuwait.

Ngunit dahil sa naturang direktiba ng Pangulo, maaari nang magpadala ng mga household service worker o domestic helpers sa Kuwait.

Magugunitang ipinatupad ang deployment ban sa Kuwait kasunod ng pagkakadiskubre sa labi ng OFW na si Joanna Demafelis sa loob ng freezer.

Tinatayang nasa 260,000 mga Pinoy ang naninirahan at nagtatrabaho sa Kuwait at karamiha’y mga household service workers.