Bagong Senate President Tito Sotto, iiwan muna ang “Eat Bulaga!”




Imahe mula sa Brigada News

Pansamantalang iiwan muna ni bagong Senate President Vicente Sotto III ang long-running noontime show na “Eat Bulaga” makaraang maluklok sa puwesto.

“Wala, papaalam muna ako [sa Eat Bulaga],” ayon kay Sotto.

Nitong Mayo 21, pormal nang nailuklok si Sotto bilang ikalawang Senate president ng 17th Congress  kapalit ni Koko Pimentel kung saan 16 sa 24 Senador ang bumoto.

Si Sen. Migz Zubiri ang pumalit  kay Sotto bilang majority leader sa Senado.

Ayon sa ulat ng GMA, sinabi ni Sotto na mag-uusap muna sila nina Vic Sotto, Joey De Leon, at Tony Tuviera, na namamahala ng Eat Bulaga.

Kapag walang sesyon ang Senado ay karaniwang napapanood  ang Senador sa “Eat Bulaga”

Wika pa ni Sotto, maraming mahahalagang panukalang batas na kailangang repasuhin at ipasa.

(I am) a little stressed because I am looking at the incoming measures that have to be tackled. Nakakalula. But siyempre we have to rely on our experience and the help of my colleagues, the Senate President will not be able to do it alone,” ani Sotto.