“All-gender” o unisex toilets itatayo sa Luneta




Public domain image

Magtatayo ng ilang all-gender toilet sa Rizal Park, na mas kilala bilang Luneta, at iba pang pangunahing parke sa bansa bukod pa sa mga banyo na pang lalaki at babae.

Ayon sa ulat ng Philstar, ang pagtatayo ng all-gender o unisex toilets ay pabor sa mga miyembro ng LGBT (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender) community na madalas umanong ma-bully sa paggamit ng mga pampublikong palikuran.

Sinabi ni National Parks Development Committee (NPDC) Executive Director Penelope Belmonte na ginawa nila ang hakbang dahil sa dumaraming reklamong kanilang natatanggap mula sa mga miyembro ng LGBT community na diumano ay nabu-bully sila dahil sa paggamit ng comfort room na gusto nila.

Nakatatanggap din ang opisina ni Belmonte ng ilang reklamo mula sa mga lalaki at babaeng bisita sa parke na nagsasabing hindi sila komportableng kasama sa iisang banyo ang LGBT members.

Ani Belmonte, kailangan nilang balansehin ang mga bagay-bagay dahil may reklamo sa magkabilang panig na kailangan nilang tugunan. Aniya, ang interes ng park-goers ang pinakamahalaga para sa kanila.

Nakikipag-ugnayan umano si Belmonte sa mga LGBT members upang hingin ang kanilang sentimiyento sa nasabing bagay bilang tamang patnubay upang nang sa gayon ay walang damdaming masasaktan.

 

Source :

Philstar, Journal