Mister bigong iligtas ang asawa, kabilang sa 7 nasawi sa pagsalpok ng truck sa Batangas




Imahe mula sa PNP-Taal

Ligtas na sana si Mel Atienza sa sakunang naganap sa Taal, Batangas dahil nakatakbo siya bago salpukin ng rumaragasang ten-wheeler truck  ang kanilang eatery noong Miyerkules ng umaga,ika-28 ng Marso, subalit sinawing-palad na masawi nang bumalik sa loob ng restaurant.

Ayon sa ulat ng GMA News, batay umano sa pahayag ng mga nakasaksi ay nakitang tumatakbo palayo si Atienza, subalit bigla itong bumalik nang mapagtantong nasa loob pa ng kanilang eatery ang kanyang asawa.

Naganap ang madugong aksidente dakong 5:50 ng umaga nang dumausdos ang isang nakaparadang truck na may kargang mga tubo o sugarcane at sumalpok sa iba pang mga sasakyan, kabilang ang ten-wheeler truck na may karga ring tubo na siyang sumalpok sa eatery kung saan may mga taong nag-aalmusal.

Ang mga biktima ay kinilalang sina Mel Atienza, asawang si Jennifer Atienza, Babylyn Atienza, Cheche Aninio, Susan Hombre,  Ricardo Tabugon at Ramir Aguado.

Natagpuan sa ilalim ng truck ang ******* ni Mel na nakayakap pa sa asawang si Jennifer.

Apat naman ang sugatan sa insidente at kasalukuyang nasa mga pagamutan.

Sumuko sa pulisya si Alejandro Villena, ang driver ng naunang truck na sumalpok sa ten wheeler truck.