Dinner nina Duterte at Sharon Cuneta, no big deal kay Pangilinan




Image capture from Sharon Cuneta Instagram account

No big deal!

Wala umanong problema para kay Senador Kiko Pangilinan ang dinner  ng misis nitong  si Sharon Cuneta kasama si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa ulat ng Abante, nakasabayan at kaibigan ni Duterte ang ama ni Sharon na si dating Pasay City Mayor Pablo Cuneta noong dekada 80 at 90 kaya ito naimbitahan sa isang hapunan.

Kabilang sa naturang hapunan sina Chet Cuneta, kapatid ng Mega Star, at Special Assistant to the President na si Secretary Bong Go.

Para kay Pangilinan, bagama’t magkalaban sa politika ay trabaho lamang ito at walang personalan.

Noon pa lamang 1999 ay magkakilala na umano ang Pangulo at si Pangilinan at natulungan siya noong 2001 at 2007 elections noong siya’y tumakbo bilang Senador habang nakapagbigay din umano ang Senador ng iba’t ibang proyekto sa Davao City.

Si Pangilinan ang presidente ng Liberal Party (LP) na sinasabing ‘dilawan’ na madalas birahin ni Duterte.

Binanggit ni Sharon sa kanyang Instagram account na masaya sila ng kanyang kapatid sa hapunan kasama si Duterte. Aniya: “chill and happy.”

Iginiit din nito na hindi personal ang magkaibang pananaw sa politika ng mister at ng Pangulo.

Tinawag  na  “Tatay DIGONG” ng Megastar ang Pangulo at iginagalang nila ni Pangilinan ang isa’t isa kahit hindi sila nagkakasundo sa ilang bagay.

“My Dad was the President’s good friend. Hey- deal closed!” ani Sharon.

Nanawagan din si Sharon na huwag haluan ng politika ang dinner nila ni Duterte.