Bong Go, nilinaw na hindi sinuntok ni Duterte ang pader sa Malacañang kaya namaga ang mga kamay nito




Image capture from ABS CBN video

Nilinaw  ni Special Assistant to the President Bong Go na hindi sinuntok ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pader sa Malacañang makaraang mabalitaang nabasura ang kasong ilegal na droga ng tatlong drug lords sa korte.

Ayon kay Go, walang panununtok na insidente sa command conference noong Marso 12 tulad nang inihayag ni Philippine National Police Chief Director General Ronald ‘Bato’dela Rosa.

Ngunit nagalit umano ang Pangulo sa kinahinatnan ng kaso nina Kerwin Espinosa, Peter Lim at Peter; ayon sa ulat ng Abante.

“‘Yun po ‘yung sabi ni Gen. Bato no’. Siyempre nagalit si Pangulo nang naabsuwelto kaya biniro niya, in front of the command conference na si Aguirre ang ipapalit doon,” ayon kay Go.

Ang pamamaga ng kamay ni Duterte ay bago pa man ang pagbabasura ng kaso ng tatlong druglords at hindi dahil sa panununtok sa pader.

Wika pa ni Go, hindi ugali ng Pangulo ang manuntok ng pader. Kung mayroon man ay may galit siyang ilalabas.

Sinabi pa ni Go, ang kapipirma ng mga dokumento ang posibleng dahilan ng pamamaga ng kamay ng Pangulo.

Napapansin n’yo ba ang Pangulo pag nasa Davao, pag may mga manloloko, drug addict, nang-aapi ng asawa, snatcher, rapist, pag nakakaharap niya itong masasamang-tao na ‘to, namamaga ang kamay niya. Baka may nakaharap siyang manloloko noong araw na ‘yon,” ani Go.

Samantala itinanggi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na namamaga ang kamay ni Duterte makaraan ang naturang insidente.