209 baril, 155 bomba nasamsam ng militar mula sa NPA




Imahe mula sa AFP

Umabot na sa 209 na baril at 155 na improvised explosive device ang narekober ng militar mula sa mga pulahang rebeldeng New People’s Army (NPA) sa loob ng dalawang buwang walang tigil na anti-insurgency operations.

Sa ulat ng Philstar, ipinahayag ng Armed Forces of the Philippines public affairs office na karamihan sa mga nasamsam na baril at bomba ay nagmula sa Davao at Caraga Region, kung saan nananatili ang malakas na presensya ng NPA.

Ayon pa sa militar, ang mga armas ay narekober sa mga kampo ng NPA at ang iba naman ay kusang isinuko ng mga rebeldeng nagbalik-loob sa pamahalaan.

Ang walang humpay na anti-insurgency campaign ng militar ay nagresulta rin sa pagsuko ng aabot sa 2,500 na mga NPA fighters at supporters. Kabilang sa mga huling sumuko ay si Noel Legaspi, alias Ka Efren, ang deputy secretary at tagapagsalita ng Far South Mindanao Region ng NPA. Ang asawa ni Legaspi ay sumuko rin.

Nito lang nagdaang Lunes, ika-5 ng Marso, si Ka Efren at 187 iba pang sumukong mga rebelde ay isinama sa isang military-guided tour sa Luneta at Fort Bonifacio. At noong Martes, ika-6 ng Marso, ay sinaluhan sila ni Pangulong Rodrigo Duterte sa isang hapunan sa Malacañang.

Kasunod ng pagsuko ng maraming bilang ng mga NPA, patuloy na nanawagan ang militar sa mga iba pang rebelde na magbalik-loob sa pamahalaan at maging kapakipakinabang na miyembro ng lipunan.