20 cruise ships nakatakdang bumisita sa Subic Bay Freeport ngayong 2018




Imahe mula sa Costa Cruises Asia

Ngayong taong 2018, inaasahan na 20 cruise ships ang dadaong sa Subic Bay Freeport na magpapatunay na isa na ito ngayong cruise ship playground sa Asya.

Ayon kay Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA) Chairman and Administrator Wilma Eisma, limang magkakaibang cruise ships ang nagtakda ng 19 na pagbisita sa Subic mula Marso hanggang Oktubre ngayong taon.

Ang mas marami pang pagdating ng mga cruise ships bago matapos ang taon ay inoorganisa na sa tulong  ng mga shipping agencies na nag-aayos ng kanilang mga ruta.

Ayon sa Manila Times, ang cruise ship na Costa Atlantica ay unang dumaong sa Subic bay Freeport noong ika-10 ng Pebrero at muling bumalik nito lamang ika-6 ng Marso.

Ang unang pagbisita ng nabanggit na cruise ship ang naging sukatan ng tagumpay ng Subic sa unti-unti nitong pagbabago bilang isang cruise ship destination mula sa pagiging port of call ng mga Navy warships ng Estados Unidos.

Ani Eisma, handa na ang Subic na magbigay ng pinakamagandang pasilidad at serbisyo sa mga cruise ship passengers at naniniwala sila na ang mga bisita sa Subic at maging sa karatig na Zambales at Bataan ay magkakaroon ng karanasang hindi malilimutan.