SAF hindi sangkot sa Bilibid drug trade – Dela Rosa




Image from PNP Facebook page

MAYNILA, Pilipinas  –  Mistulang inabswelto na ni Philippine National Police (PNP) chierf Director General Ronald ‘Bato’ Dela Rosa ang mga miyembro ng Special Action Force (SAF) matapos isangkot sa umano’y ilegal na aktibidad sa National Bilibid Prison.

Noong isang taon ay inakusahan ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre ang ilang miyembro ng SAF na sangkot umano sa patuloy na bentahan ng droga sa Bilibid na hindi pa rin nasusugpo.

“Alam kong pilit kayong sinisiraan. Pero after my validation, I found out na wala naman palang basehan. Hindi naman totoo na kayo ay tumatanggap,” ani Dela Rosa sa mga bagong pulis na itinalaga sa Bilibid bilang bahagi ng rotational procedure.

Pinuri din ng PNP chief ang kanyang mga tauhan bilang mga “pinakamagaling, malinis, at matino at inaasahan ng PNP”: “Kung kayo ay masisira, wala na akong mapupuntahan. Lugmok na tayo; ang PNP. Wala nang ibang maaasahan.”

Ganunpaman, nag-iwan pa rin ng babala ang opisyal sa sinumang mapatunayang kasabwat na nga sila sa ilegal na gawain na pilit sinusugpo ng kasalukuyang administrasyon.

“Kapag you let me down, ako babaril sa inyo kapag kayo ay tatanggap ng bribery diyan sa loob. Is that clear? You must stand tall. Palagi tayong pakita natin pagka-elite sa lahat ng bagay,” anang opisyal nitong Martes.

Ang SAF ang naaatasang magbantay sa pangunahing kulungan sa bansa kung saan nakapiit ang mga kilalang drug lord at kriminal matapos mabulgar ang laganap na bentahan ng ilegal na droga na kinasasangkutan mismo ng ilang tiwaling opisyal ng gobyerno.