“Pangulong Duterte isa sa mga dahilan kung bakit ikatlo ang Pilipinas sa pinakamasayang bansa sa buong mundo” – Malacañang




Si Pangulong Rodrigo Duterte umano ang  isa sa mga dahilan kung bakit ikatlo ang Pilipinas sa pinakamasayang bansa sa buong mundo; ito ang paniniwala ng Malacañang.

Matatandaan na sa survey na isinagawa ng Gallup International ay nakuha ng Pilipinas ang +84 net happiness score at napanatili ang ikatlong puwesto sa top 10 Happiest Countries of 2017. Sa survey na isinagawa noong 2016 ay nasa ikatlong puwesto rin ang bansa kasunod ng Fiji at Colombia.

Ayon sa ulat ng DWIZ, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, magandang balita ang pagkilalang ito sa pagbubukas ng 2018.

Wika pa ni Roque, ramdam at tanggap ng publiko  ang mga pagbabagong nararamdaman sa bansa sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Duterte kahit pa kilalang masayahin at matatag ang mga Pilipino.

Aniya, hamon sa gobyerno na panatilihin ang takbo at momentum sa paglago ng ekonomiya ng bansa at maramdaman ito ng lahat ng Pilipino.