Roque sa mga supporters, kritiko ni Pang. Duterte: ‘Move-on’ na sa RevGov




Image from DF Balita

MAYNILA, Pilipinas – Sa kabila ng pagsusulong sa ‘revolutionary government’ ng mga supporters ni Pangulong Rodrigo Duterte, pinayuhan ang mga ito ni Presidential Spokesperson Harry Roque na malabong mangyari ang kanilang gusto kaya dapat na itong kalimutan.

Wika ni Roque, nananatiling masigla ang ekonomiya ng bansa bilang isa sa “best-performing economies in the whole of Asia” kaya walang rason para magdeklara ng ‘revolutionary government’ ang kasalukuyang administrasyon.

“Magdedeklara lang siya ng RevGov kung naghihingalo na ang ating republika at hindi po ‘yan nangyayari ngayon,” ani Roque sa ginanap na press briefing sa Zamboanga City nitong Sabado.

“Move on, move on, please,” dagdag pa nito.

Ginagamit lang ng oposisyon na ‘panakot’ sa tao

Giin din ni Roque, nananatiling nasa ilalim ng kontrol ng Pangulo ang gobyerno sa pamamagitan ng kanilang mga kaalyado sa Kongreso kaya hindi pa nito kailangang ideklara ang isang pamahalaang rebolusyonaryo.

Binanatan din ng opisyal ang oposisyon na maaaring ginagamit lamang umano ang isyu ng “RevGov” para maghasik ng takot sa publiko.

“Hiindi lang naman po mga kaalyado ang nagsasabi na kailangan ng RevGov. Ginagamit din po yan ng oposisyon para takutin ‘yung taumbayan,” ani Roque. “Let’s finish this revolutionary government talk and move on. To the opposition, just find another issue.”

Lumabas ang pahayag ni Roque matapos paalalahanan ni Vice President Leni Robredo ang kasalukuyang administrasyon na ang pagdedeklara ng ‘revolutionary government’ ay maaaring ituring na pag-aaklas sa mismong kapangyarihan ng pamahalaan.